Isang viral post ang kumalat sa social media tungkol sa isang 78 anyos na matandang lalaki sa Pampanga na tinutukoy bilang si "Lolo Pops."
Si Angelito Genuino, o kilala ring bilang "Lolo Lito" or "Lolo Pops" ay kilala sa lugar ng Angeles City at Pampanga dahil sa pagtitinda nito ng makukulay na lollipop candy sa bangketa.
Ang kanyang produkto ay para raw sa mga bata, ngunit meron din namang iba na bumibili sa kanya.
Wala raw makakapigil sa kanya sa pagbigay niya ng saya sa mga taong nabebentahan niya ng kanyang mga lollipops.
Bukod pa roon, ang pagiging palangiti niya, ang siya rin namang nakakapukaw ng pansin sa mga taong dumaraan at bumibili sa kanya. Kaya naman binabalik-balikan ang kanyang paninda.
Ayon kay lolo, nagsimula na siyang magtrabaho noong 12 anyos pa lamang siya dahil kailangan niyang tulungan ang kanyang mga magulang.
Lumaki siyang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, kaya naman naghanap buhay na lamang ito.
Dagdag pa niya, ang pagiging "positibo" ang nakaka-attract ng kanyang mga customers.
"Pag halimbawa, hinahalukay, okay lang. Okay lang. Hindi katulad ng ibang kasamahan ko, kapag hinalukay, 'Pag nabasag mo yan, bayaran mo yan.' Mga suplada ang dating. Kako, hindi. 'Pag sinupladahan mo yan, yun ang pag-asa natin," sabi ng matanda.
Ang pagkakaroon niya ng positibong ugali ang siya ring dahilan kung bakit madami siyang nagiging kaibigan. Minsan ay binibigyan siya ng pagkain at tinutulungang maubos ang benta nito.
Sa kabilang ng kanyang edad na 78 anyos, imbes na nagpapahinga na lang si lolo sa bahay ay nagpupursigi pa itong magtrabaho dahilan na rin sa kanyang mahal na asawang si Pacita.
Apat na taon na ang nakalipas nang maparalisa ang mga paa ni Pacita. Kaya simula noon ay hirap na itong gumalaw, at tanging si Lolo lamang ang kanyang inaasahan.
Pilit na sinisikap ni Lolo Lito, ang maging matatag para sa kanyang pamilya.
Tanging ang kanyang pagmamahal sa kanyang asawa at mga apo ang nagiging inspirasyon niya upang ipagpatuloy ang pagbigay ng kasiyahan at ngiti sa bawat lollipop na natitinda niya.
Source: news.abs-cbn.com
Comments
Post a Comment