Ang pagkakaroon ng mabahong hininga ay isa ng pangkaraniwang problema. Ang pinakaunang dahilan kung bakit nagkakaroon nito ay dahil sa poor dental hygiene. Na siyang pinagmumulan ng pagdami ng bakterya sa iyong bibig na nagdudulot ng pagkasira ng mga ngipin at bad breath.
Upang maiwasan ang nakakahiyang isyu na ito, narito ang mga paraan kung paano tanggalin ang mga bakterya sa iyong bibig at para mapanatiling fresh at mabango ang iyong hininga. Heto at alamin ninyo!
1. Pag-inom ng 2 litrong tubig araw-araw
Ang pag-inom ng sapat na tubig kada araw ay nakakatulong sa prebensyon ng pagkakaroon ng mabahong hininga. Kailangan ng iyong laway ang tubig upang maiwasan nito ang pagdami ng mga bakterya sa bibig. Iwasan ang pag-inom ng mga matatamis na inumin upang maiwasan ang pagbuo ng bakterya lalo na sa gabi.
2. Mag-nguya ng balat ng citrus fruits
Hindi man karaniwang gawain ito, ngunit ang pag-nguya ng balat ng citrus fruits gaya ng lemon at orange ay nakakatulong mapanatiling fresh ang iyong bibig. Dahil ang citric acid sa balat ng mga ito ay tumutulong sa iyong salivary glands para sa produksyon ng laway, ang natural na depensa ng iyong bibig laban sa bad breath at tooth decay.
3. Magsepilyo 2-3 beses kada araw at mag-floss
Alam niyo ba na ang pagsesepilyo ng ngipin ay dapat umabot ng 2 minuto? Mainam din na gumamit ng dental floss araw-araw bago magsepilyo upang matanggal ang mga food debris o mga tira-tirang pagkain na sumiksik sa iyong ngipin.
4. Gadgarin o i-iscrape ang iyong dila
Ang iyong dila ay pwedeng maging breeding site ng mga bakterya na nagiging sanhi ng bad breath. Maaaring gadgarin ang dila gamit ang toothbrush o pwede ring gumamit ng tongue scraper na mabibili rin sa mga drugstores.
5. Mag-nguya ng mint leaves
Ang dahon ng mint ay nakakatulong sa pang-iwas ng mabahong hininga dahil napapanatili nitong fresh ang iyong bibig. Maaaring mag-nguya ng ilang pirasong dahon ng mint. Pwede rin itong ihalo sa iyong iniinom na tubig.
6. Gumamit ng baking soda bilang mouthwash
Ang baking soda ay maaaring gamitin bilang natural na mouthwash. Maghalo lang ng isang kutsaritang baking soda sa isang tasang tubig at gamiting pang-mumog. Pwede ring isawsaw ang iyong basang toothbrush sa baking soda at ipangsepilyo.
Comments
Post a Comment