
Sikat dito sa ating bansa ang kalamansi dahil kadalasang ginagamit natin ito bilang pang-sawsawan, pampalasa ng ulam, at ginagawang juice na panggamot sa makating lalamunan at ubo. Ang bunga ng kalamansi ay siksik sa bitamina C na mabisa ring inumin ng mga taong madalas sinisipon.
Ngunit alam niyo ba na bukod sa medicinal benefits nito ay mayroon din pala itong gamit bilang isang pampaganda! Kung nais niyong makatipid at gumamit ng natural na produkto, narito at alamin ninyo kung anong benepisyong pampaganda ang makukuha sa kalamansi!
1. Pampaputi ng balat
Kung pinoproblema ng maitim na kili-kili, siko, tuhod, at singit, makakatulong ang kalamansi na paputiin ang mga parteng iyan. Gaya ng lemon, ito ay isang natural skin bleaching agent at bukod doon mas mura pa ito at maaaring makita mo pa ito sa inyong bakuran.
- Ipahid lamang ag katas ng kalamansi sa iyong nangingitim na bahagi ng katawan araw-araw.
- Patuyuin sa hangin at hayaang ma-absorb ng iyong balat.
- Hugasan kung kinakailangan.
2. Pampaganda ng kutis
Ang katas ng kalamansi ay punong puno ng antioxidants na tumutulong protektahan ang mga cells ng katawan. Tumutulong din itong labanan ang mga free radicals sa kapaligiran na nagdudulot ng pagkasira ng balat. Ang pag-inom ng kalamansi juice araw-araw ay nakakatulong sa pagpapasigla ng balat at pagpapaganda ng kutis.
3. Pantanggal ng peklat at dark spots
Gaya ng lemon, ang kalamansi juice ay nakakatulong din sa pag lighten ng mga dark spots at mabawasan ang peklat na dulot ng acne o tigyawat.
- Gamit ang katas ng kalamansi, kumuha ng bulak at isawsaw ito
- Ipahid ang bulak na may kalamansi juice sa iyong mga peklat o dark spots
- Iwanan sa iyong mukha sa loob ng 15-20 minuto saka banlawan
- PAALALA: Huwag idirektang ipahid sa tigyawat dahil maaaring mahapdi ito
4. Pantanggal ng body odor
Ang pagkakaroon ng mabahong pangangatawan ay dulot ng mga bakterya at mikrobyo na nabubuo sa katawan. Makakatulong ang pagpahid ng katas ng kalamansi sa mga parte ng iyong katawan na may masangsang na amoy gaya na lamang ng kili-kili.
5. Pantanggal ng mantsa sa mga kuko at kamay
Marumi ba ang iyong mga kuko? Kung nais mong matanggal ang mantsa sa iyong kuko, maghiwa lamang ng kalamansi at ipampahid ito sa mga gilid gilid ng iyong kuko. Bukod sa matatanggal na ang dumi, kaya pa nitong i-deodorize ang iyong kamay.
Comments
Post a Comment