Bawat taon ay nararanasan ng Pilipinas ang pag-ulan na nagdudulot nang pagbaha ng ilang mga lugar sa bansa. Kaya ang ilang mga residente ay inililikas sa mga evacuation center. Sa panahon ng tag-ulan ay maaaring makaranas ng mga sakit. Kaya alamin kung ano ang mga sakit na naidudulot ng tag-ulan at kung paano ito maiiwasan.
Narito ang mga sakit na maaaring makuha kapag tag-ulan:
1. Leptospirosis
Ang pinagmumulan ng sakit na leptospirosis ay ang mikrobyo na dala nang ihi ng daga na kadalasang nakukuha mula sa baha. Maaaring magkaroon ng sakit na ito kung may sugat sa katawan, aksidenteng naka-inom ng tubig baha, at tubig na kontiminado ng bakterya.
Ang pag-lagnat, paninilaw ng mga mata, at matinding sakit ng katawan ay ilan sa mga palatandaan ng pagkakaroon ng sakit na ito.
Para makaiwas sa sakit na ito ay magsuot lagi ng bota, maglinis ng paa at katawan kapag lumusong sa baha, at pahiran ng alcohol ang lahat ng bahagi ng katawan na nabasa sa baha.
2. Dengue
Ang sakit na ito ay nakukuha mula sa kagat ng lamok at alam na ito nang karamihan. Laganap ang sakit na ito tuwing umuulan. Dahil na rin sa mga naiimbak na mga tubig ay dumarami ang mga lamok at dumarami rin ang kaso nito.
Ang pag-lagnat, pagsusuka, pagdurugo ng ilong, pagkakaroon ng pantal-pantal ay iilan sa mga sintomas ng pagkakaroon ng dengue at kung mapapabayaan ay maaaring ikam@tay. Para makaiwas sa sakit na ito ay maglagay ng lotion na panlaban sa lamok, magsuot ng long sleeves at pants, gumamit rin ng kulambo at panatilihing malinis ang kapaligiran.
3. Alipunga
Ang sakit na ito ay nakukuha mula sa pagkakababad ng mga paa sa maduming tubig baha. Nagdudulot ito ng pag-baho ng mga paa at pangangati nito. Isa ito sa madalas na nagiging kaso tuwing umuulan. Isang uri ito ng sakit sa balat.
Para makaiwas rito ay kailangan na linisin kaagad ang mga paa kapag nababad sa baha na maaaring gamitin na panlinis ang sabon, alcohol o ibabad sa tubig na may suka ng 10-15 minuto.
4. Ubo, Sipon, Trangkaso
Karaniwan itong nararanasan kapag umuulan o paiba-iba ang panahon. Ito ay nakukuha mula sa dulot ng impeksyon ng virus. Kadalasan na nakukuha ito sa mga pampublikong lugar o maraming tao.
Maiiwasan ito sa pamamagitan ng pagkain ng sapat para sa malusog at malakas na resistensya, pag-inom ng bitamina at ugaliin na maghugas lagi ng mga kamay.
5. PagtataeAng sakit na ito ay maaaring maranasan kapag nakakakain ng mga kontiminadong pagkain o inumin. Madalas itong nararanasan kapag umuulan dahil hindi maiwasan na na-eexpose sa dumi ang naiinom na tubig at kinakain dahil sa paguulan.
Maiiwasan ito sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan, pagluluto ng mabuti sa mga pagkain na kakainin, at pakuluan ang tubig na iinumin kung kinakailangan.
Comments
Post a Comment