Isang napakadaling lutuing pagkain lalo na sa almusal ang hard boiled egg o ang itlog na pinakuluan lamang sa tubig. Maaari ring isama ito sa iyong snack o salad dahil mayaman ito sa protina.
Ayon sa mga health experts, ang pagkain ng 1-2 itlog araw-araw ay safe. Ngunit piliin ang pagkain ng boiled egg kaysa sa piniritong itlog dahil hindi ito nilalagyan ng mantika upang maluto kaya naman ito ay mas healthy. Narito at alamin pa ang mga mahahalagang benepisyo sa pagkain ng hard boiled egg araw araw!
1. Nakakapagpataas ng 'good cholesterol' sa katawan
Ang good cholesterol o tinatawag din ng high density lipoproteins (HDL) ay ang mga mabuting cholesterol na tumutulong pababain ang tiyansang magkaroon ng sakit o atake sa puso. Kaya kahit kumain ka ng itlog araw-araw ay hindi tataas ang iyong mga bad cholesterol sa katawan.
2. Pampalakas ng muscles at buto
Ang itlog ay sagana sa protina kaya naman ito ang mahalagang pagkain ng mga nagpapalaki ng muscles. Dahil ito ay tumutulong sa pagkakaroon ng malakas na buto at kalamnan.
3. Pampalakas at pandagdag enerhiya
Ang isang buong itlog ay naglalaman ng mga bitamina at mineral na kailangan ng iyong katawan upang gumana ng maayos. Ang isang medium sized egg ay naglalaman lamang ng 70-85 calories at may 6.5 grams ng protein.
4. Pinoprotektahan ang kalusugan ng mata
Karamihan sa mga tao ang nakakaranas ng macular degeneration at iba't ibang problema sa paningin. Ang pagkain ng itlog araw-araw ay makakatulong upang maiwasan ang mga ganitong kondisyon dahil ito ay naglalaman ng 'lutein' at 'zeaxanthin' sa pula ng itlog. Ang dalawang importanteng nutrients na ito ang siyang nagpapanatiling malinaw ang mga mata.
5. Mabisang pampabawas ng timbang
Bukod sa pagsupply ng enerhiya sa katawan ay mabisa rin itong pampabawas ng timbang. Dahil ang pagkain ng isang buong itlog ay nakakapagpanatili sa iyong tiyan na busog. Ayon sa mga pagsusuri, ang mga taong kumakain ng itlog sa almusal ay nagkokonsumo ng mas mababang calories sa buong araw.
6. Pampatalas ng isip
Para sa mga buntis, mainam ang pagkain ng itlog dahil ito ay nakakabuti sa development ng utak ng sanggol sa kanilang sinapupunan. Ito ay naglalaman ng 'choline,' isang compound na nagpapanatiling malusog at matalas ang isip.
7. Pampalusog ng buhok at balat
Bukod sa protina na kailangan sa pagkakaroon ng magandang buhok, ang itlog ay naglalaman din ng Vitamin B Complex na mas kilala sa tawag na 'biotin.' Ito ay isang bitaminang nakakatulong sa pagkakaron ng magandang buhok, matibay na kuko, at malusog na balat.
Comments
Post a Comment