Ang ating mga mata ay isa sa mga mahalagang bahagi ng ating katawan lalo na at ito ang tumutulong sa atin upang makakita at magawa ang mga bagay na gusto. Sa panahon ngayon ay padami na ng padami ang bilang ng mga tao na lumalabo ang mga mata dahil na rin sa kawalan ng disiplina at hindi tamang pangangalaga sa mga ito.
Sa artikulong ito ay ibabahagi namin ang ilang paraan kung paano natin mapapangalagaan ang ating mga mata at maiwasan ang tuluyang pagkasira nito:
1. Pumili ng tamang make-up para sa mata
Kung hindi maiiwasan na maglagay ng make-up sa mata ay siguraduhin na ligtas ito at hindi makakapekto sa iyong mata. Pumili rin ng mga mascara na madaling matanggal at siguraduhing hindi ito dadampi sa inyong mata.
2. Ugaliin ang paghihilamos
Ang ating mukha ay madalas makapitan ng mga dumi sa ating kapaligiran lalo na kung mayroon kang suot na make-up. Kaya naman mainam na maglinis ng mukha gabi-gabi bago matulog at hanggat maari, gumamit ng mga sabon o panlinis ng mukha na hypoallergenic o yaong para sa mga sensitive na balat.
3. Iwasan ang pagpapagod sa iyong mata
Kung ikaw ay nagbabasa o di kaya ay gumamit ng gadget at nanonood ng telebisyon, siguraduhing mayroong maliwanag na ilaw ang iyong kwarto. Ang paggamit ng madilim na ilaw habang ginagawa ang mga bagay na ito ay magdudulot ng paglabo ng mga mata.
4. Gumamit ng mga proteksiyon sa mata
Sa panahon ngayon ay marami ng naiimbentong mga kagamitan para proteksyunan ang ating mga mata. Nariyan na nga ang mga sunglasses na may anti-UV rays na magandang proteksyon laban sa sikat ng araw at mga eyeglasses na mayroong anti-radiation na maaring magamit kapag hindi mo maiwasang magbabad sa harap ng mga gadgets dahil sa trabaho.
5. Ugaliing matulog ng maayos
Ang pagkakaroon ng maayos na tulog ay hindi lamang makakapagbigay ng malakas na pangangatawan kundi malaking tulong din ito upang mapahinga ang ating mga mata mula sa maghapong trabaho at paggamit nito.
6. Kumain ng masustansiyang pagkain
Upang mapanatiling malusog ang iyong mga mata kumain ng mga masustansiyang pagkain kagaya ng prutas at gulay. Makakatulong din ang pagkain ng mga seafood kagaya ng isda na mayroong omega-3 fatty acids.
7. Hot or cold compress
Kung nakakaranas ka ng pamamaga ng mata, maari mo itong lagyan ng maligamgam na bimpo at ibabad sa loob ng 1 minuto. Kung di ito naging epektibo maari kang gumamit ng malamig na bimpo upang maibsan ang pananagit ng iyong mata.
8. Ugaliing magpasuri sa doktor
Mahalaga ang ating mga mata kaya naman kung may nararamdaman tayong kakaiba ay mainam na ipasuri agad ang mga ito sa espesyalista nang sa gayun ay mabigyan agad ng lunas bago pa man ito lumala.
Comments
Post a Comment