Sa mundong ito ay walang permanente ang lahat ay nagbabago kasabay na nito ang pagbabago ng mga presyo ng bilihin. Kaya naman hindi maiwasan na may mga panahon na nagigipit tayo kahit na may mga trabaho. Lalo na kung maraming mga babayarin o gastusin na para sa pag-aaral ng mga anak tulad ng pagkain, baon, kuryente, tubig at iba pang mga pangaraw-araw na pangangailangan. Hindi rin maiaalis na dumarating ang panahon na may nagkakasakit. At sa dinami-dami ng mga pangangailangan ay hindi nagiging sapat ang perang nasasahod kaya umaabot sa puntong kailangang lumapit at humiram ng pera sa ibang tao.
Sa tuwing umaabot sa puntong kulang na kulang ang budget ay kadalasang nahihiyang lumapit sa mga kamag-anak at kaibigan. Ngunit hindi naman masamang lumapit at makahiram lalo na kung may pangangailangan at para naman ito sa iyong pamilya.
Kaya naman narito ang limang tips upang makatulong sa iyo kung paano madaling makahiram ng pera sa iyong pamilya, kamag-anak at kaibigan ng hindi nagkakaroon ng samaan ng loob. Tandaan lamang na kung ikaw ay manghihiram ng pera ay gagamitin mo ito sa tamang pangangailangan at hindi sa mga kagustuhan tulad ng mga luho sa iyong sarili.
Tips kung paano madali makautang:
1. Ipaliwanag kung saan mo gagamitin ang pera na hihiramin
Bago ka tumawag sa iyong mauutangan ay isipin mo muna ang mga tanong at sagot sa iyong sarili kung bakit ka mangungutang at kung para saan ito o kung magkano ang iyong hihiramin. Kung handa na ang iyong sarili ay kausapin mo ang taong malalapitan. Ipaliwanag ng mabuti sa kaniya kung bakit ka nangangailangan na lumapit sa kaniya at kung saan mo gugugulin ang iyong mahihiram na pera o bakit ganitong kalaki ang hinihiram mo. Iwasang magsinungaling upang magtiwala sa iyo ang taong nilapitan.
2. Linawin sa iyong kausap kung kailan magbabayad
Mahirap magpahiram ng pera lalo na kung walang kasiguraduhan. Kaya kung gusto mong makahiram sa isang tao ay magsabi ng petsa kung kailan mo ito mababayaran. Makipag-usap ng maayos at kung nagkasundo ay dapat tuparin mo ang sinabing takdang petsa. Kung sakali man na hindi mo ito mabayaran dahil minsan hindi naaalis na nagkakaroon ng komplikadong sitwasyon, puntahan ang pinagkautangan, kausapin ito at sabihin ang iyong paliwanag kung bakit hindi mo natupad ang pangako upang makaulit muli at hindi masira sa kaniya
3. Mag-alok ng ibang bagay o tulong kung sakaling hindi mo pa ito mabayaran
May mga pagkakataong gusto mo man matupad ang pinagkasunduan ngunit marami ang dumarating na pagsubok. Ngunit huwag iisipin na kaya naman nilang hintayin hanggang sa makabayad ka dahil may iba't iba rin tayong mga suliranin sa buhay.
Maghanda ng mga bagay o serbisyo na maiaalok mo kung sakali hindi mo pa ito mabayaran. Kung may alahas ka na maaaring isangla o iba pang kagamitan ay maaari mo itong ialok habang hindi ka pa nakakabayad. Maaari rin na sabihin na magdagdag na lamang ng interes sa inutang. Madalas rin na sa sitwasyon na ito ay tinatanggihan ito ng mga kamag-anak at kaibigan ngunit mas maganda ng may inalok at kausapin kaysa sa pagtaguan. Pwede mo rin offeran ng serbisyo o tulong mo sakanya.
4. Magsulat ng kasunduan para klaro ang lahat
Kung ikaw ay manghihiram ng malaking halaga o magpapahiram ay mas mainam ng magkaroon ng kasulatan. Hindi naman kinakailangan na gumastos pa ng abogado upang maisagawa ito. Ang importante lamang nakalagay sa kasulatan kung sino ang umutang at nagpautang. Ilagay din kung magkano, petsa kung kailan ibabalik at multa kung sakaling hindi maibalik sa petsang pinagusapan. Bukod rito maganda rin na sa tuwing nagbabayad ay may pirmahan kung kailan tinaggap at sino. Mahirap na baka magpatong patong ang utang o kaya naman makalimutan.
5. Pag-usapan na kayo lamang dapat dalawa ang nakakaalam
Kahit sino naman ay hindi gugustuhing maraming nakakaalam na may pagkakautang ka kay ganito. At kung ikaw naman ang nagpahiram mas maganda na ang sikreto lalo na sa mga kamag-anak dahil maaaring may mga mainggit at magalit dahil maaaring sila ay hindi napahiram o kaya pang maiwasan na ang maraming usapin na makakagulo sa inyo.
Tandaan: Lumapit lamang sa iyong pamilya, kamag-anak o kaibigan kung talagang kinakailangan lamang na manghiram. Huwag gagamitin ito upang makahiram sa iba't ibang kamag-anakan at kaibigan dahil kapag nalaman nila maaaring magalit sila sayo at hindi ka na makakaulit pa. Itatak rin sa iyong isipan na kapag umutang marunong magbayad. Hindi yung utang kalimutan.
Sakali man hindi mapahiraman ng nilapitan:
Kung sakali man mangyari na ang iyong nilapitan na paghihiraman ay hindi ka nabigyan huwag magdamdam. Maaaring siya rin ay dumaranas ng pangangailan o sapat lamang ang kaniyang panggastos sa araw-araw. Kaya naman irespeto at huwag magalit sa kanilang desisyon.
Ako kapag may utang sakin kapag hindi na makabayad binibigay ko na para hindi masakit sa ulo kaiisip.
ReplyDelete