Isa sa mga kinatatakutan ng karamihan ang pagkakaroon ng tigyawat. Sobrang nakakairita sa pakiramdam kapag nakitang may tumubong tigyawat sa ating mukha na akala mo'y parang katapusan na ng mundo. Isa itong common na reklamo ng ilang kaya naman marami rin ang mga nagsisilabasang pampahid upang maiwasan at malusunasan ito. Ngunit hindi lahat ay pare-pareho ang epekto nito sa ating balat kaya naman nararapat pa ring bigyan ng pag-iingat ang lahat ng ipapahid sa iyong mukha.
Sabi nga nila dagdag pogi at ganda points ang pagkakaroon ng malinis at makinis na mukha. Pero hindi mo ba naisip na paano mo nga ba ito maiiwasan at bakit ka nga ba nagkaroon ng tigyawat? Ating alamin ang mga dahilan.
Bakit nagkakaroon ng tigyawat?
Ayon sa mga dalubhasa, normal lamang na magkaroon ng tigyawat lalo na sa mga lalaki at babae na nagbibinata o nagdadalaga. Sa kanilang kalagayan ang hormone na androgen sa mga lalaki ay dumarami kaya naman ito ang naguudyok sa sobrang pagdami ng keratin sa follicles ng buhok sa ating balat na kung saan nagreresulta sa sobrang oil sa sa ating balat na siya namang nagiging dahilan ng pag-akit sa mga bakterya na responsable sa pagusbong ng nakakairitang tigidig, tigyawat o pimples.
Samantala, sa mga babae naman ay kung magsisimula na itong magkaroon ng buwanang dalaw ay maraming magbabago sa kaniyang pangangatawan at pati na sa kaniyang balat. Mula sa kalagitnaan ng kaniyang dalaw ay tumataas ang bilang ng progesterone hormones sa kaniyang katawan na siyang naguudyok sa sobrang paglabas ng oil na nagiging sanhi ng pagtubo ng mga tigyawat sa kaniyang balat.
Ngunit maaari rin na maging sanhi ng pagkakaroon ng tigyawat ang hindi paghihilamos ng mukha matapos gumamit ng mga beauty products, iba't ibang ginagamit na produktong matatapang, kawalan ng sapat na tulog, sobrang pagkuskos sa balat, kulang sa pag-inom ng tubig at iba pang gawain na maaaring pagmulan ng pagtubo ng tigyawat.
Ano ang sintomas na magkakaroon ka ng tigyawat?
Kung ikaw ay magkakaroon ng tigyawat ay maaaring makaranas ng mahapding mukha na posibleng mapapansin ang pamamaga nito at ang pamumula. Maaari rin na hindi maiwasan ang paglaki ito at pagkaroon ng nana sa loob.
Ang tigyawat ay maaaring tumubo sa ating mukha, dibdib, balikat at likod. Madalas kung lagi itong ginagalaw at naiirita ay dumarami. Kaya naman huwag dapat na hinahawakan at pinipisa dahil maaaring maging sanhi ito ng impeksyon at mas masira ang ating balat.
Upang maiwasan ito basahin ang mga sumusunod sa ibaba.
Paano maiiwasan ang tigyawat?
1. Panatilihing malinis ang ating mukha
Upang maiwasan ang pagkapit ng mga iba't ibang bakterya na nagiging sanhi ng pagtubo ng tigyawat sa ating mukha ay kinakailangan na panatilihing malinis ang ating mukha. Maaaring maghilamos ng isa o dalawang beses sa loob ng isang araw gamit ang malinis na tubig at mild lamang na sabon. Kung sobra naman na sa pagka-oily ang iyong mukha ay maaari itong gawing tatlong beses. Ngunit tandaan na huwag maging labis sa paglilinis ng mukha dahil maaaring maging sanhi naman ito ng pagkairita ng ating balat at pagtuyo.
2. Gumamit ng exfoliator
Ang paggamit ng exfoliator o scrub sa mukha ay makakatulong upang matanggal ang dead skin cells o mga dumi na galing sa makeup at oils ng balat. Maiiwasan ang pagdami ng tigyawat kung gagamit nito isang beses kada linggo o dalawang beses kada linggo lalo na sa mga taong nakatira sa polluted areas na araw araw nakakalanghap ng usok.
3. Magkaroon ng sapat na tulog
Ang sikreto sa pagkakaroon ng bata at magandang mukha ay ang pagkakaroon ng sapat na tulog. Tiyakin na may walo hanggang siyam na oras ng pagtulog upang maging maganda ang balat, pangangatwan at kalusugan.
4. Uminom ng Tubig
Bukod sa pagtulog kinakailangan rin ng ating katawan ang pagkakaroon ng sapat na dami ng tubig upang maging malusog ang buong katawan. Sa paraang ito maiiwasan rin ang pagkakatuyot ng balat at ang mga kadahilanan ng pagkakaroon ng tigyawat dahil ang pag inom ng tubig ay maaari makapag-clear out ng bacteria sa ating katawan na kadalasan nagdudulot ng tigyawat.
5. Kumain ng masustansyang pagkain
Ang pagkain ng mga gulay, prutas at iba pang masusutansiyang pagkain ay napakainam para sa ating kalusugan. Bukod rito mapangangalagaan rin ang ganda ng iyong balat at mukha. Kaya naman iwasan ang mga pagkain na nagiging sanhi ng tigyawat tulad ng mga delatang pagkain, matatamis, noodles, frozen food at limitasyon sa produktong gawa sa gatas.
Comments
Post a Comment