Ang pagdidisiplina at paghuhubog sa mga bata ay isa sa mga mahalaga at dapat na matutukan ng bawat magulang. Malaki ang nagagawa nito sa kanilang pag-uugali maging sa kanilang pananaw patungkol sa mga bagay na nangyayari sa kanilang kapaligiran. Karamihan nga sa mga naging ina at bagong ina ay aminadong ang pagdidisiplina sa mga batang may edad tatlo hanggang limang taong gulang ay talaga namang isang malaking hamon at nangangailangan ng ilang estratehiya para maipanuwa sa kanila kung ano ang tama at mali.
Kadalasan, sa paraan ng pagdidisiplina natin sa mga bata may mga pagkakataon na nakakapagbitaw tayo ng ilang salita na hindi pala naayon upang mapabuti ang paghubog ng kanilang pag-uugali maging ng kumpiyansa sa sarili. Narito ang ilan sa mga salitang ito na dapat nating tandaan at iwasang marinig ng ating mga anak habang sila ay lumalaki.
1. “Umayos ka!” Oo “Tama na!”
May mga pagkakataon na hindi kaagad nauunawaan ng mga bata ang nais nating iparating sa kanila kaya naman madalas ay hindi umaayon ang kanilang kilos sa nais nating gawin. Ito ay madalas na nagdudulot para tayo ay mainis at piliting itama ang kanilang mga gawa ngunit sa halip na pagsabihan ng ganitong uri ng salita, mas mainam kung kakausapin mo siya ng mahinahon at sabihing umupo muna sa isang tabi o di kaya libangin na gumawa ng mga bagay na kaniyang gusto.
2. “Lagot ka pagdating ni Daddy.”
Hindi maganda na kasabay ng pagdidisiplina natin sa mga bata ay ang pagbuo ng hindi wastong pagkatakot sa ibang tao kagaya na lamang ng kanilang ama. Ang ganitong uri ng salita ay magdudulot lamang ng impresyon sa bata na tanging ang kanilang ama lang ang may kakayanang magdisiplina sa kanila. Sa halip na sabihin ang mga katagang ito, maari mong kausapin ng mahinahon ang iyong anak at ipaliwanag sa kaniya ang posibleng mangyari o magiging bunga ng kaniyang mga gagawin.
3. “Mag-sorry ka.”
Sa panahon na nakakagawa ng mali ang inyong anak, huwag siyang pwersahin na humingi ng tawad lalo na at hindi pa siya ganoon kahanda. Ayon sa ilang eksperto, maari itong magdulot ng isyu sa hinaharap at hindi niya mapapahalagahan ang salitang “patawad”. Sa halip na pilitin ang bata, itanong sa kaniya kung ano ang maaring maramdaman niya kung siya ang nasa sitwasyon ng kaibigan na kaniyang nasaktan o nagawan ng mali.
4. “Huwag kang umiyak.”
Ang bawat isa sa atin lalong lalo na ang mga bata ay mayroong karapatan na ipahayag ang ating mga emosyon. Kaya naman kapag umiiyak ang ating mga anak huwag natin itong pigilan sa halip ay tanungin natin sa mahinahon na paraan kung ano ang dahilan ng kanilang pag-iyak.
5. “Sige ka, iiwan kita dito.”
Kagaya nga ng nabanggit kanina, ang pananakot sa bata ay hindi mainam na uri ng pagdidisiplina. Sa ganitong paraan kasi bumababa ang tiwala nila sa kanilang sarili o di kaya naman ay malaki ang posibilidad na lumayo ang loob nila sa inyo. Isang halimbawa na dito ang pagtakot sa kanila na iiwanan mo sila sa palaruan kapag hindi pa sila umalis dito. Sa halip na takutin, maari mong i-kondisyon ang isip ng bata at sabihing aalis kayo maya-maya dahil may pupuntahan pa kayong ibang lugar o di kaya naman ay kailangan na ninyong umuwi ng bahay.
Importante na maging maingat tayo sa mga ipinapakita nating kilos o ipinaparinig na salita sa ating mga anak dahil karamihan sa mga ito ay mabilis na magmarka sa kanilang isipan at maari nilang dalhin hanggang sa kanilang paglaki.
Comments
Post a Comment