Ang Polycystic Ovarian Syndrome o sa pinaikling tawag na PCOS ay isang kondisyon kung saan ang mga hormones ng isang babae ay hindi balanse. Ito ay nagsasanhi nang pagkakaroon ng mga cyst sa mga obaryo ng babae. Subalit huwag mag-alala dahil ang mga cyst na ito ay hindi ibig sabihin na c(a)ncerous.
Sa katunayan, isa sa kada kinseng babae ay mayroon nito. Ang eksaktong sanhi nito ay hindi pa tiyak. Gayunman, mayroong bagong pag-aaral na pinamumunuhan ni Kirsty Walters na nagsasabing ito ay maaaring hindi lamang sa mga obaryo ng babae nanggagaling kundi posibleng sa ating utak. Bagamat ang bagong teoryang ito ay nangangailangan pa ng karagdagang pag-aaral, ito ay maaaring makapagbigay daan sa ating mga eksperto upang makadiskubre ng bagong lunas para sa kondisyong ito.
Mga sintomas ng PCOS:
• Iregular na buwanang dalaw. Pahirapang malaman kung kailan ang susunod na pagreregla dahil ito ay hindi regular na dumarating. Ito rin ay maaaring may kasamang malabis na pagdurugo at ito ay mas tumatagal ng ilang araw kaysa sa karaniwang period.
• Pagkakaroon ng tagyawat o acne
• Pagkakaroon ng sobrang buhok sa katawan o mukha. Karaniwan ay sa mga parte ng babae na kadalasan ay walang buhok tulad ng dibdib o ibabaw ng labi na animo’y bigote.
• Pagnipis ng buhok sa ulo na katulad nang pagkakalbo sa mga lalake.
Mga komplikasyon ng PCOS
Ang PCOS ay panghabang buhay na kondisyon, at bagamat ito ay hindi k(a)nser, importante pa ring malaman kung mayroon ka nito at makontrol pagka’t ito ay maaaring magsanhi ng mga sumusunod:
• Alta presyon
• Diabetes
• Mataas na lebel ng kolesterol
• Sakit sa puso
• Depresyon
• Sleep apnea
• Pagkaba0g
Paano ito maiiwasan?
Kung ikaw ay wala pang mga sintomas ng PCOS, maigi na panatilihin ang kalusugan sa pamamagitan nang pagkain ng tama. Iwasang kumain ng matatamis at mga pagkaing may gatas o dairy. Makakatulong rin ang regular na pag-e-ehersisyo. Sa ganitong paraan, di lamang tayo makakaiwas sa PCOS kundi sa iba’t-ibang karamdaman rin.
Gamot o lunas sa PCOS:
Sa kasamaang palad, wala pang lunas ang PCOS. Pero, ito ay maaaring makontrol upang di lumala at mauwi sa komplikasyon. Ang mga sumusunod ay maaaring irekomenda ng doktor:
• Birth control pills. Ito ay makakatulong para maging regular ang regla at maibalanse ang mga hormones ng isang babae.
• Metformin. Ito ay gamot upang maiwasan ang pagkakaroon ng diabetes.
• Eflornithine. Ito ay pamahid upang mapabagal ang pagtubo ng buhok sa katawan at mukha ng babae.
• Balanseng diet at ehersisyo. Kahit anong inumin natin na gamot ay hindi magiging sapat kung hindi natin babaguhin ang ating pamumuhay kaya naman may PCOS ka man o wala, mas maigi na panatilihin ang malusog na pamumuhay.
Comments
Post a Comment