Ang halamang tawa-tawa, na may siyentipikong pangalan na Euphorbia Hirta, ay tubong India, Australia, Africa at iba pang mga bansa sa Asya at maging sa Estados Unidos. Ang pangalan na Asthma Plant/ Weed, Garden Spurge, Bara Dudhi ay ilan lamang sa mga tawag rito sa ibang lugar. Ito ay isang halaman na may maraming sanga mula ugat hanggang sa pinakatuktok; Gumagapang ito at umaabot nang hanggang sa taas na 50 cm.
Ang mga sanga nito ay tila may maliliit na buhok at sadya itong madagta, ang mga dahon naman nito ay may hugis na medyo may pagka-oblong na may kaunting patulis sa dulo at ang mga ito ay tumutubong magkabilaan sa sanga. Mayroon rin itong mga maliliit na bulaklak na naghahalo sa kulay na violet at berde.
Karaniwan nang ginagamit ang mga sanga at dahon ng Tawa-tawa upang ilaga at inumin bilang tsa-a, ang mga ugat naman nito ay minsan ring ginagamit sa iba’t-ibang aplikasyon.
Ilan sa mga sinasabing benepisyong maaari nating makuha mula rito ay ang mga sumusunod:
• Panlunas sa hika at bronchitis
Ang tsa-a na gawa rito ay mabisang nakakapagbigay ginhawa sa mga taong may hika o bronchitis dahil napapaluwag nitong muli ang mga nagsikip na lagusan ng hangin patungong baga, kaya naman nakakahinga muli nang mas maigi ang mga may kondisyong ito. Ito ang rason kung bakit tinawag itong Asthma Plant/ Weed.
• Panlunas sa dengue
Nakakatulong raw ang halaman na ito sa pagdami ng produksyon ng ating platelets sa dugo kaya ginagamit ito ng ilan na panlunas para sa lagnat dulot ng dengue. Gayunman, kinakailangan pa ng mga karagdagang pag-aaral upang mapatunayan ang bisa nito at hindi ito ipinapayong gamitin nang lalampas sa 24 oras lalo na sa umpisa ng s(a)kit.
• Pangontra sa impeksyon
Ang halaman na ito ay may natural na katangian na pangontra sa iba’t-ibang mikrobiyo kaya naman maaaring makaiwas sa impeksyon ang taong gagamit nito. Pwedeng inumin ang tsa-a nito o gawing pambabad sa mga paang may alipunga. Pwede rin itong imumog upang gumaling ang mga singaw sa loob ng bibig.
• Nakakapagpagaling ng iba’t-ibang kondisyon sa balat
Pwedeng gamitin na panlunas sa sugat, pigsa, kulugo at mga pantal-pantal ang dagta ng tawa-tawa kung ito ay ipapahid sa mga apektadong parte ng balat. Ang mga dahon naman nito ay maaari ring patuyuin at dikdikin hanggang sa maging pulbos para magamit sa mga bukas na sugat.
• Nagbibigay ginhawa sa sikmura
Ang pag-inom sa tsa-a na gawa rito, kahit dalawa o tatlong tasa sa isang araw, ay makakapag-pakalma sa sikmura upang mahinto ang labis-labis na pagdudumi.
Tandaan:
Isang paalala na ang tsa-a na gawa mula sa ano mang parte ng tawa-tawa ay hindi dapat inumin ng mga buntis, mga inang nagpapasuso ng kanilang mga sanggol at mga bata dahil ito ay lubhang matapang. Sa katunayan, hindi dapat ito ginagamit basta-basta ng kahit na sino lalo na sa loob ng maraming araw dahil makakasira ito sa ating mga bato (kidneys), kaya naman dapat ay gamitin ito nang may pag-iingat.
Comments
Post a Comment