Ang pamumuo ng dugo sa loob ng mga ugat ay ang natural na paraan ng ating katawan upang ayusin ang ano mang nasira sa daluyan ng dugo. Nangyayari rin ito kapag nasugatan ang balat sa kahit anong parte ng katawan upang mapigilan nito ang labis na pagdurugo. Karaniwan ay kapag natapos na nito ang kailangang gawin ay mawawala lang rin ito ngunit may mga pagkakataon na nananatili ito sa parteng iyon at ito ay magsasanhi ng mga problema sa katawan.
Maraming pwedeng maging sanhi ng pagkakaroon nito at ilan lamang sa mga ito ay:
- Iba’t-ibang s(a)kit sa puso
- K(a)nser
- Labis na katabaan
- Pagdadalang tao
- Nabaling buto o sugat
- Matagal na pagkakapirmi sa isang posisyon (halimbawa ay ang matagal na pagkaka-upo sa eroplano)
- Pag-inom ng mga tabletang pangontra sa pagbubuntis
- Matinding operasyon na dahilan upang hindi makakilos nang maayos ang pasyente sa matagal na panahon
May dalawang kondisyon na pwedeng maging resulta dahil sa pamumuong dugo, ito ay ang deep vein thrombosis (DVT) at pulmonary embolism. Ang DVT ay ang pamumuo ng dugo sa mga malalalim na ugat sa katawan na karaniwang matatagpuan sa mga braso o sa binti. Ang mga sintomas nito ay:
- Pamamaga sa parte ng katawan kung saan namumuo ang dugo.
- Pamumula
- Mainit kapag hinawakan
- Pangangati
- Pananakit ng parteng ito
- Pamumulikat sa binti
Importanteng malaman agad ng mga doktor kung nasaan ang DVT dahil ito ay maaaring lumipat sa baga at ito na ay ang kondisyong tinatawag sa ingles na pulmonary embolism. Sa ganitong kalagayan, kinakailangang maisugod agad sa ospital ang taong nakakaranas nito dahil ito ay lubhang mapanganib at maaaring mauwi sa kamatayan. Narito ang mga sintomas nito:
- Matinding pananakit ng dibdib
- Paghihirap sa paghinga
- Labis na pagpapawis
- Pagkahilo
- Mabilis na tibok ng puso
- Biglaang pag-ubo na maaaring may kasamang dugo
Madalas man mangyari ito sa binti, braso at baga, hindi ibig sabihin ay liitado na ito sa mga parteng ito. Pwede rin itong mangyari sa puso kung saan makakaramdam ng matinding pananakit sa dibdib, hirap sa paghinga at pagpapawis. Pwede rin itong mangyari sa tiyan at malalaman ito kapag nakaranas ng matinding pananakit sa sikmura, pagtatae, pagsusuka at kapag may halong dugo ang duming inilabas. Kapag naman mayroong pananakit sa gilid ng tiyan, hita o sa binti, dugo sa ihi, lagnat, mataas na presyon ng dugo, hirap sa paghinga, matinding pamamaga ng binti, at pagsusuka, malamang na ito ay nangyari sa mga bato (kidneys).
Sa pambihirang pagkakataon naman kapag nagkaroon ng pinsala sa ulo tulad ng pagkakapukpok nang malakas rito o pagkakasalpok sa matigas na bagay, maaaring magkaroon nang pamumuo ng dugo sa may utak na pwedeng mauwi sa stroke. Ang mga senyales nito ay ang biglang pangingisay ng katawan, problema sa paningin at labis na panghihina. Alin man sa mga ito ay dapat masuring maigi at maitakbo sa ospital bago ito mauwi sa malalang kondisyon.
Mga natural na paraan upang maiwasan ang pamumuo ng dugo
- Luya. Mayroon itong salicylate, isang natural na kemikal na pangontra sa pamumuo ng dugo. Pwede itong ilaga at inumin bilang tsaa o kaya naman idagdag ito sa mga lutuin. Makakatulong rin itong pangontra sa stroke at iba pang s(a)kit sa puso.
- Turmeric. Ito ay tinatawag na luyang dilaw sa wikang Filipino at karaniwang nagbibigay ng matingkad na kulay sa iba’t-ibang putahe. Nagtataglay ito ng curcumin na isang pangontra sa pamumuo ng dugo. Kilala na ang luyang dilaw sa medisina sa pagkakaroon ng magandang dulot sa katawan at ito ay mabibili bilang tableta, tsaa o pulbos na pwedeng ihalo sa mga inumin.
- Bawang. Maliban pa sa nagbibigay ito ng lasa sa mga pagkain, ito rin ay kilalang may mga katangian na pangontra sa mga mikrobyo at bacteria. Gayunman, kailangan pa ng mas marami pang pag-aaral upang mapatunayan ang silbi nito sa pag-iwas sa pamumuo ng dugo, ngunit kadalasan ay ipinapayo ng mga doktor ang pag-iwas rito ng mga pasyente na sasailalim sa mga operasyon pagkalipas ng pito hanggang sampung araw dahil ang bawang ay may taglay na katangiang nakakapagpanipis ng dugo.
- Cinnamon. Ito ay may coumarin na siya mismong ginagamit sa mga gamot para mapanipis ang dugo. Pampababa rin ito ng presyon sa dugo at nagbibigay ginhawa sa pamamaga ng kasu-kasuan dulot ng rayuma.
- Sili. Tulad ng luya, mataas rin ito sa salicylate at tumutulong magpababa ng presyon ng dugo, nagpapaganda ng sirkulasyon ng dugo at nakakabawas nang pananakit ng katawan. Pwede itong idagdag sa mga pagkain ngunit sa mga taong hindi kaya ang mga maaanghang na pagkain, may mga nabibiling kapsula na maaaring inumin.
Ilan lamang ang mga ito sa mga paraan upang makaiwas sa pagkakaroon ng buo-buong dugo sa ating sistema. Mainam kung mapapanatiling malusog ang pangangatawan natin sa pamamagitan ng pagkain nang tama, pag-e-ehersisyo at pagtigil sa mga bisyo tulad ng pag-inom ng alak at paninigarilyo. Kung ikaw naman ay mayroon ng ganitong kondisyon, ang solusyon ay operasyon o gamot para maalis ang pamumuong ito ng dugo ngunit depende ito sa parte ng katawan na apektado. Magpasuri sa doktor upang makasiguro.
Comments
Post a Comment