Ang bunga ng Rattan, na tinatawag na Yantok, Littuko o Alimuran sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas, ay isang prutas na may kakaibang anyo na sinasabi na na mayroong kaakibat na benepisyo at sustansya. Ang balat nito ay maihahalintulad sa mga kaliskis ng mga reptilya katulad nang sa ahas, kaya naman tinatawag rin itong Snake Fruit.
Ang prutas na ito ay may kaasiman ang lasa at kasinlaki lamang ng lanzones. Sinasabing mayaman ito sa vitamin A, C, calcium, iron at iba pa kaya mainam ito sa kalusugan.
Ito ang benepisyo ng Yantok:
-Mayaman ito sa Vitamin C kung saan nakakatulong sa ating balat upang hindi agad ito kumulubot at nagpapatibay ng resistensya ng ating katawan laban sa mga mikrobyo na maaaring magdulot ng ating pagkakasakit.
-Mayroon itong mataas na content ng Vitamin A na nakakatulong upang mapanatiling malinaw ang paningin ng ating mga mata
-Punong puno ito ng fiber na makakatulong makabawas ng timbang at tumutulong upang maging maayos ang takbo ng ating panunaw at maging regular ang pagdumi
-Mayroon itong iron content para pampataas ng Red Blood Cells
-Nagtataglay din ito ng calcium na nagpapatibay ng ating mga buto at ngipin, pati na ng ating puso at mga ugat sa katawan.
Ito man ay siksik sa sustansya, hindi ito ipinapayong kainin nang labis-labis sa loob ng isang araw dahil hindi ito madaling matunaw sa sikmura at pwede itong magsanhi ng paghihirap sa pagdumi, kaya naman hindi dapat lumampas sa limang piraso ang maku-konsumo sa isang araw. Ang puno ng Rattan ay kadalasang namumunga mula Agosto hanggang Oktubre kaya dagsa ang mga ito sa palengke tuwing mga panahong ito. Dapat alalahanin na may iba’t-ibang klase ng puno ng Rattan at hindi lahat ng mga punong ito ay nakakain ang bunga.
Ang bunga mula sa Calamus manillensis ang karaniwan na pwedeng kainin at siya ngang kilala sa tawag na yantok. Ang prutas na ito ay maaaring kainin nang diretso o kaya nama’y gawing atsara, minatamis o alak.
Ang Pilipinas ay tunay nga namang sagana sa likas na yaman at ang kalikasan pa rin ang pinaka-mainam na pagkukunan natin ng mga pagkain na masustansya at makabubuti sa atin; isa lamang ang yantok sa napakaraming halimbawa nito. Sa kaso ring ito, mapapatotohanan na tama nga ang kasabihang hindi dapat husgahan ang ano mang bagay dahil sa panlabas na anyo nito.
Comments
Post a Comment