Nangitim ang Balat sa Binti ng Isang Bata Matapos Magkaroon Ito ng Impeksyon Dahil sa Kagat ng Lamok
Hindi na bago sa atin ang pagkakaroon ng mga pantal dahil sa kagat ng lamok at kadalasan ay binabalewala lamang natin ito, maliban na lang kung may dala itong dengue at iba pang mga sakit. Kaya naman nauso na rin ang iba’t-ibang mga produkto na pwedeng gamitin upang magsilbing pangontra sa mga lamok, nariyan ang mga lotion, patches, katol, kandila, at marami pang iba. Gayunman, hindi sa lahat ng pagkakataon ay pwede nating balewalain ang simpleng pantal dahil maaari itong mauwi sa malubhang sitwasyon.
Isang pambihirang kaso ang naranasan ni Wen Wen, isang apat na taong gulang na bata mula sa Hubei China. Inakala ng ina nito na normal na kagat lamang ng lamok ang mga pantal na nakita nito sa mga hita ng bata habang pinapaliguan niya ito.
Hindi nito inasahan na magkakaroon ng napakataas na lagnat ang anak pagkalipas ng apat na araw at doon na ito nabahala nang husto kaya isinugod na niya ito sa ospital. Sa pagkakataong ito ay nagsimula nang mamaga at mangitim ang mga pantal nito at nagka-rashes na rin ito sa buong katawan.
Matapos itong masuri ng mga doktor ay napag-alaman na mayroon itong necrotizing fasciitis, isang kondisyon kung saan ang laman ay animo kinakain ng kung ano man.
Nang makumpirma ang kondisyon nito ay mabilis itong isinailalim sa gamutan at naiplano agad ang operasyon upang maagapan ang kalagayan ng bata nang sa gayon ay hindi mauwi sa tuluyang pagkakaputol ng mga hita at binti nito.
Tinanggal sa operasyon ang laman na namamaga at tila nabubulok dahil maaapektuhan nito ang mga parteng malusog kapag hindi ito naalis. Kalmado na ang kalagayan nito matapos ang lahat ngunit ipinayo ng mga doktor na patuloy itong bantayan at nararapat na kumpletuhin ang gamutan, dahil may posibilidad na patuloy na kumalat ang impeksyon kahit pa matapos maisagawa ang mga operasyon.
Nadiskubre ng mga ito na ang mga kagat ng lamok kay Wen Wen ang nagsanhi ng impeksyon niya at kumain sa laman nito sa katawan.
Lubhang delikado ang karamdamang ito lalo pa at hindi madaling matukoy ang unang senyales o sintomas ng pagkakaroon nito. Kapag ito ay lumala, maaari itong magsanhi ng pinsala sa mga organs sa loob ng ating katawan na pwedeng magresulta sa kamatayan. Dahil rito, ipinapayo ng mga eksperto mula sa Wuhan Children’s Hospital na bantayan maigi ang mga bata at huwag balewalain kahit pa ang simpleng pantal lamang sa balat. Kapag ang bata rin ay nagkaroon ng lagnat at nagsusuka sa loob ng ilang araw ay huwag mag-alinlangan na isugod agad ito sa ospital.
Comments
Post a Comment