Ang lagundi ay isang halaman na napatunayan nang may taglay na katangian na may benepisyong pang-medikal. Kilala rin ito sa tawag na five-leaved chaste tree at karaniwang ginagamit ang mga dahon at ugat nito bilang epektibong panlunas sa ubo, hika, trangkaso at iba pa.
Ayon sa mga pag-aaral ay nagtataglay ito ng Chrysoplenol D, isang sangkap na anti-histamine at nakakapagpakalma sa mga muslces sa katawan. Pinipigilan rin nito ang produksyon ng leokotrienes na inilalabas ng katawan tuwing inaatake ang isang tao ng hika.
Ang pinakasikat na nagagawa ng halamang ito ay ang magpagaling ng ubo. Kilala itong epektibo sa pagpapaluwag ng dibdib mula sa makapit na plema at naaalis rin nito ang ibang sintomas na dala ng karamdaman tulad ng sipon, masakit na lalamunan at trangkaso.
Kadalasan ay naglalaga lamang ang mga tao ng kalahating tasa ng dahon ng lagundi sa dalawang tasa ng tubig upang inumin bilang tsa-a tatlong beses sa isang araw. Gayunman, mas epektibo ito kung lalagyan lamang ng mainit na tubig ang mga dahon sa isang lalagyan upang maging mas malakas ang epekto nito. Mayroon na ring nabibili na mga kapsula at syrup na gawa rito sa mga botika ngunit ito ay pwede ring gawin sa bahay.
Paano ang hakbang para gumawa ng Lagundi Syrup?
-Ihanda ang mga kakailanganin:
-Dahon ng lagundi
-Honey
-Suka o Apple Cider Vinegar
-Tubig
-Malalim na lutuan
-Pangsalok o sandok
-Pangsala
-Mga boteng paglalagyan
-Pananda o labels
Direksyon:
1. Maglaga ng 1 cup na tinadtad na dahon ng lagundi sa isang tasa ng tubig gamit ang isang malalim na lutuan.
2. Matapos itong pakuluan, palamigin ito at salain pagkatapos.
3. Sukatin ang dami ng nagawang mixture. Ang 1/3 na katumbas na dami nito ay ang dami ng honey na ilalagay rito.
4. Ihalo ang honey at suka ng dahan-dahan habang patuloy na hinahalo ang Lagundi mixture. Ang suka ang magsisilbing preservative ng halamang gamot na ito.
5. Ibalik ito sa kalan at ilagay muli sa ibabaw ng mahinang apoy.
6. Tanggalin ito sa kalan kapag ito ay kumulo na, ito na ngayon ang iyong syrup.
7. Isalin na ito sa mga malinis na bote at lagyan ito ng pananda.
Mas mainam na inumin ito habang mainit pa at kung ito man ay lumamig, maaari mong painitin ito muli bago inumin. Makakatulong na matanggal ang plema at ubo kapag madalas na inumin ang Lagundi Syrup.
Comments
Post a Comment