Ang iron ay isang importanteng mineral sa ating katawan na tumutulong sa ating mga selula sa dugo, na tinatawag na red blood cells (RBC), sa paghahatid ng oxygen sa iba’t-ibang parte ng ating katawan.
Ang kakulangan ng iron sa ay magsasanhi ng kondisyon na tinatawag na iron deficiency anemia, kung saan hindi sapat ang bilang ng mga malulusog na RBC sa dugo, dahilan upang hindi nito magawa nang maayos ang trabaho nito.
Ang iron rin ay may kontribusyon sa pagproseso ng enerhiya ng ating mga selula kaya naman nakakaramdam ang taong kulang rito ng sobrang pagkahapo at panghihina. Ito ang pinaka-pangkaraniwang uri ng anemia at ang ito ay dapat maitama o maagapan agad dahil maaari itong mauwi sa mga komplikasyon kapag binalewala ito.
Ilan pa sa mga senyales ng iron deficiency anemia ay ang mga sumusunod:
-pananamlay
-maputlang balat
-pananakit ng ulo
-pagkakaroon ng mga singaw sa loob ng bibig
-madalas na pangangapos ng hininga at iba pa
Hindi man madalas ay naiuugnay na rin ang PAGLALAGAS NG BUHOK bilang senyales ng pagkakaroon nito. Mapapansin ito sa tuwing maliligo at magsusuklay ng buhok o kaya nama’y minsan maski sa mga unan matapos ang magdamag na pagtulog. Bagama’t ang paglalagas ng buhok ay maaaring sanhi ng iba’t-ibang dahilan, kung makikitaan rin ng iba pang mga senyales at sintomas kasabay nito, ay malinaw pa rin itong pahiwatig ng kakulangan sa iron.
Sino ang karaniwang nagkakaroon ng anemia?
Karaniwan sa mga buntis ang pagkakaroon ng Anemia, kaya isa ito sa mga madalas tutukan ng kanilang mga doktor dahil pwede itong magdulot ng mga komplikasyon bago at pagkatapos ng panganganak ng mga ito. Nararapat rin itong makontrol agad, sa mga buntis man o hindi, dahil mataas ang posibilidad nang pagkakahawa ng mga taong may kondisyong ito sa mga s(a)kit dahil mahina ang kanilang immune system sa katawan.
Sa mga taong may duda na sila ay mayroon nito, maaari nilang ipasuri ang kanilang dugo sa laboratoryo o sa ospital upang malaman kung may sapat na RBC ang dugo at kung ang mga ito ba ay normal at malusog.
Kapag napag-alaman ng doktor na anemic ang pasyente, bibigyan nila ang mga ito ng reseta para sa iron supplements na pwede nilang inumin araw-araw upang maibalik ang sigla ng kanilang dugo. Makatutulong rin ang pagkonsumo sa mga pagkaing mayaman sa iron tulad ng mga madadahon at maberdeng gulay, karne, tinapay at iba pa. Hindi ito isang malubhang kalagayan ngunit kahit ang pinakamaliit na problema ay maaaring magresulta ng matinding pinsala, kaya hindi dapat ito isawalang bahala.
Comments
Post a Comment