Sa modernong panahon ngayon ay kabi-kabila ang paglabas ng mga makabagong telepono mula sa iba’t-ibang kompanya. Madalang na ang taong walang cellphone sa kasalukuyan dahil ito ay hindi na lamang nagagamit sa pakikipag-usap sa mga taong kakilala natin kundi nagagamit na rin ito sa trabaho, pang-aliw at pampalipas-oras, kaya naman kahit mga bata ay ginagawa na itong laruan.
Sa sobrang adiksyon natin rito, hindi na nga ito halos mahiwalay sa ating mga katawan at maraming iba diyan na nasanay nang dinadala pa ito kahit sa pagbabanyo. Sa unang tingin, mukhang wala namang masama sa nakaugaliang ito, ngunit tayo ay nagkakamali. May mga pag-aaral na naisagawa na nagpapatunay na ito ay hindi mabuti para sa ating kalusugan. Ilan lamang sa mga ito ay ang mga sumusunod.
Dahil ang mga telepono ngayon ay madalas nakasilid sa iba’t-ibang lalagyan upang maprotektahan ito mula sa pagkakabagsak o sadyang palamuti lamang, nagiging perpektong lugar ito upang magparami ang mga bacteriang maaaring magdala ng s(a)kit tulad ng E. coli, Salmonella at Shigella. Nangyayari ito dahil kung saan-saan natin ihinahawak ang ating mga kamay sabay bitbit sa telepono at dahil nga sa mga lalagyan nito na kadalasan ay gawa sa goma, madaling nakakakapit ang mga mikrobiyo at dumi rito.
- Maaaring maka-apekto sa utak. Ang matagal na pagyuko sa ating telepono habang nakaupo sa kubeta ay dahilan upang hindi maging sapat ang pagdaloy ng dugo sa ulo kaya mapapansing nakakahilo ang matagalang pagbabanyo.
- Nakakasira ng mga mata. Hindi na lingid sa kaalaman natin na ang matagal na pagtitig sa cellphone o sa kahit anong gadget ay nakakatuyo ng mga mata. Karaniwan ring mas madilim sa banyo kumpara sa ibang parte ng bahay kaya ito ay nakakadagdag rin ng stress sa ating mga mata dahil doble ang sikap ng mga ito upang makakita nang maayos.
- Pananakit ng leeg at likod. Ang posisyon natin sa banyo na kalimitan ay nakayuko lalo na kapag tangan ang telepono, ang siyang dahilan nang pananakit ng leeg at itaas na parte ng ating likod. Maaari tayong magkaproblema sa gulugod sa kalaunan kapag hindi ito naitama.
- Altapresyon at atake sa puso. Kakaiba mang pakinggan ngunit ang mga kaso ng atake sa puso at altapresyon sa banyo ay mas karaniwan kaysa sa ating inaakala. Muli, ang matagal na pagyuko natin ay malaking dahilan upang magkaproblema tayo sa ating katawan lalo na kung ito ay pumipigil sa maayos na pagdaloy ng dugo sa iba’t-ibang parte ng ating katawan.
- Almuranas. Kapag tayo ay masyadong naging abala sa ating mga telepono habang matagal na nakaupo sa inidoro, mas mataas ang tyansang magkaroon tayo ng almuranas.
- Osteoarthirits. Ang maling posisyon sa katagalan ay magdadagdag ng stress sa ating mga kasu-kasuan at litid na maaaring magsanhi nang pamamaga ng mga ito.
- Deep vein thrombosis. Ito ay isang kondisyon kung saan namumuo ang dugo sa ugat doon sa kaloob-looban ng ating katawan. Karaniwan itong nasa may bandang hita at binti ngunit maaaring mangyari rin sa ano mang parte ng katawan. Kalimitan itong makuha ng mga taong sumakay ng eroplano nang mahabang oras, ngunit ayon sa pag-aaral, pwede rin itong maganap sa banyo dahil sa matagal na pagkaka-upo sa inidoro.
Comments
Post a Comment