Tatay na Nagtitinda ng Okra sa Kalye na araw-araw na Nagsusumikap Upang May Maibenta, Tinulungan ng Ilang mga Netizens!
Likas sa ating mga Pilipino ang pagiging masipag lalo na sa pagbabanat ng buo. Nakuha natin ito sa ating mga ninuno na siyang nanguna sa pasimula ng mga negosyo at iba pang gawain na mapagkakakitaan. Sa katunayan kahit na matanda na ay patuloy pa rin ang ilan nating kababayan sa pagtatrabaho at hindi nila alintana ang pagod na kanilang nararanasan sa araw-araw. Samantala, ang ilan sa kanila ay napipilitan nalang gawin ang bagay na ito dahil na rin sa kahirapan ng buhay na sabi nga ng nila ay palala ng palala sa paglipas ng panahon.
Isa na rito si Tatay Octavio Padre Juan na kamakailan lang ay nakaagaw ng pansin ng mga netizen nang maging viral ang kaniyang kwento na ibinahagi sa isang Facebook page na Bulacan Eats. Sa mga ibinahaging larawan online ay makita si Tatay na nagtitinda ng mga okra sa kalye. Gabi na noon ngunit patuloy pa rin ang matanda sa pagtatrabaho at maigi niyang inaayos ang mga paninda.
Sa kalye na rin natutulog si Tatay kasama ang kaniyang maysakit na asawang naka-wheelchair at sumisilong sila sa isang sirang tricycle na inaayos nila para maging tirahan. Magiliw niya ring ibinahagi na ganoon man kaliit ang kanilang tahanan ay mayroon naman itong dalawang palapag at sa itaas siya natutulog.
Araw-araw siyang nagtitinda sa kalye at walang permanenteng pwesto ngunit madalas siyang makita sa gilid ng Mcdo o Jollibee sa may Pulilan Crossing. Sa ibang mga pagkakataon naman ay nagtitinda si Tatay sa Robinsons terminal lalo na kapag umuulan.
Kasabay ng nasabing post ang panawagan sa mga netizens na malapit sa lugar na sana ay matulungan nila si Tatay sa pagbebenta nang sa ganoon ay maubos kaagad ang kaniyang mga produkto.
Agad namang dumating ang ilang netizens at nagpaabot ng tulong sa matanda at sa katunayan ay naubos kaagad ang mga paninda nito. Kinaumagahan ay mababakas sa mukha ni Tatay Octavio ang ngiti dahil mayroon pa siyang ibang gulay na maaring maitinda kagaya na lamang ng talong, sibuyas at kalabas.
Talaga namang walang bagay ang mahirap kung lahat tayo ay nagtutulungan. Nakakatuwa ring makita na sa pamamagitan ng social media ay nababago natin kahit papaano ang buhay ng iba dahil marami pa rin ang mga taong gustong tumulong sa kanilang kapwa o nagpapakita ng kanilang pagiging maawain at kaunawaan sa ibang tao.
Comments
Post a Comment