Ang spinach ay itinuturing na isa sa mga pinakamasustansyang gulay, kaya naman ito ay tinatawag na isang “Superfood”. Ang mga dahon nito ay may dark green na kulay at pwede itong lutuin upang isama sa mga pagkain o kaya’y ihalo sa salad at kainin ng hilaw. Kilala itong nakakatulong sa pagbibigay ng enerhiya sa katawan at pampaganda ng kalidad ng ating dugo.
Narito ang mga sustansyang makukuha sa pagkain ng spinach:
-Protein
-Calcium
-Iron
-Magnesium
-Potassium
-Vitamin A
-Vitamin C
-Vitamin K
-Folate
-Thiamin
-Fiber
-Phosphorus
Maliban sa mga vitamins at minerals ay mayaman rin ito sa anti-oxidants na malaki ang maitutulong sa ating katawan dahil pangontra ito sa mga bagay na may potensyal na magsanhi ng k(a)nser sa ating sistema. Ang spinach at iba pang mga mabeberdeng dahon ay may chlorophyll.
Ayon sa ilang pag-aaral ay epektibo ang chlorophyll upang makontra ang carcinogenic na epekto ng mga heterocyclic amines na siyang nakukuha natin kapag nag-iihaw tayo ng mga pagkain. Mayroon rin itong fiber na makakatulong naman upang mapanatili natin ang tamang timbang at makaiwas na rin sa k(a)nser sa prostate, breast at colon.
Dahil ito ay isang uri ng gulay na madahon ay madali lamang itong idagdag sa ating diet. Hugasan lamang ito ng malinis na tubig bago kainin bilang salad o isama sa iba’t-ibang mga putahe. Pwede itong isahog sa mga ginisang pagkain, mga ulam na may sarsa o maging sa mga masabaw na pagkain. Pwede rin itong pakuluan lamang ng isang minuto sa kumukulong tubig at saka kainin ng diretso.
Ilan pang benepisyong pangkalusugan na pwedeng makuha sa spinach:
1.Pangontra sa asthma o hika
Ayon sa isang pag-aaral na naisagawa noon ay mas mababa ang posibilidad ng pagkakaroon ng hika ng mga taong may mataas na intake ng mga pagkaing mayaman sa beta-carotene, at ang spinach ay isa sa pinakamagandang source ng nasabing nutrient.
2. Nakakapagpababa ng altapresyon
Mataas sa potassium ang spinach kaya ito ay inirerekomenda ng mga ekperto sa mga taong may altapresyon dahil nakakatulong ito upang mapababa ang sodium sa katawan.
3. Maganda sa kalusugan ng mga buto
Ang Vitamin K na makukuha sa spinach ay makakatulong upang mas lalong ma-absorb ng ating katawan ang calcium na importante para sa kalusugan ng ating mga buto.
4. Maayos na digestion at regular na pagdumi
Maliban sa fiber ay may tubig ring kasama ang spinach na makakatulong para maiwasan ang constipation.
5. Mas magandang kondisyon ng balat at buhok
Ang Vitamin A ay bumabalanse sa produksyon ng natural na oil sa ating katawan. Ang oil na ito ang nagmo-moisturize ng ating balat at buhok.
Ang Vitamin C naman ay importante sa paggawa ng collagen na nagpapanatili sa ganda ng ating balat at buhok. Ang mga bitaminang ito ay makukuha lahat sa spinach.
Comments
Post a Comment